OPINYON KO LANG PO...
Sa mga susunod na araw, susubukin kong magtampok nga mga kung anu-anong bagay dito sa aking blog at magbibigay ng aking kuru-kuro, opinyon o saloobin. Puwedeng kayo'y maki-sang-ayon o puwede rin naman kayong sumalungat sa aking saloobin.
Bilang ako'y nagta-trabaho sa advertising, magbibigay ako ng aking opinyon ukol sa paksang ito sa abot ng aking makakaya, dahil may ilang taon na rin naman ako sa larangang ito, at sa aking palagay, baka naman may konting saysay, katotohanan, o kapupulutan ang aking opinyon.
Ugali kong tingnan ang mga diyaryo tuwing umaga sa gym. At tutal, isa't kalahating oras naman ako sa traffic, salamat sa isang 16-wheeler truck na tumirik sa kalagitnaan ng C5 kaninang umaga, hindi ko na inabot ang group exercise class na aking dinadaluhan tuwing Miyerkules ng umaga.
Buklat-buklat ng diyaryo habang nagkakape... Tumawag-pansin ang isang print ad ng Empire East (isang real estate company) kung saan ay endorser ang 2011 Miss Philippines-Universe na si Shamcey Supsup. Alam naman siguro ng karamihan na si Shamcey ay topnotcher sa Architecture Licensure Exams, at isang honor student noon sa UP Diliman, kaya ako naman ay natuwa sa "pagkakagamit" sa kanya sa naturang print ad. "Magaling" and nasabi ko sa sarili ko. Dahil bagama't alam natin na isang beauty queen si Shamcey, nakuhang isipan ng kung sino man ang gumawa ng print ad na ito, ng konsepto ang print ad kahit na papaano. Pinag-isipan, at may tuhog sa kung ano man ang nais na iparating ng Empire East sa kanilang produkto (basahin na lamang ang headline). Panalo!
Na siya naman ikinalungkot ko dahil sa iisang diyaryo, nakita ko rin ang ad ng CW Home Depot na kung saan ay endorser din si Shamcey. Nalungkot dahil kung ano ang ikinaganda ng ad niya sa EMpire East ay siya namang ikina-EWAN ng ad niya sa CW Home Depot. (Inuulit ko, opinyon ko po ito, at paumanhin po kung kakilala ko o kaibigan ang gumawa ng ad na ito... hehehe)
Sa nasabing print ad, makikita natin na ipinakita si Shamcey bilang isang beauty queen. Kumpleto sa kanyang malaking korona at sash. Pero NAMAN.... Bakit naman siya pinahawak ng higanteng susi ng sasakyan na nag-mistulang gitara!?!?! Ano ang ipinahihiwatig nito? beauty queen siya? o rocker?! Wala man lang konsepto. Tuloy, nagmukhang katawa-tawa ang pobreng endorser.
Kung ako ang "titira" sa ad na ito, malamang ay inilagay ko na lamang si Shamcey sa likod ng pick-up truck na kumakaway na parang siya ay nasa isang "motorcade" (tutal, mahilig naman silang ibalandra sa pamamagitan ng motorcade ng Araneta Center... hehehe). O kaya nama'y ipahawak sa kanya ang higanteng susi na parang "scepter" tutal, beauty queen nga ang image 'di ba? ;-)
Inuulit ko, nawa'y maging aral itong aking itinampok lalo na sa mga nag-uumpisa pa lamang sa larangan ng advertising. Kilalanin ang inyong endorser. Hindi porke't binayaran siya ng limpak-limpak na salapi ay puwede na siyang pagmukhaing tanga. At higit sa lahat, gumawa ng ad na pagdating ng panahon ay hindi ninyo ikahihiyang kayo ang gumawa. (At siyempre, hindi ko rin sinasabing wala akong pangit na ad na nagawa nung aking kabataan. Ang totoo, ay mayroon din naman) HEHEHE...
Magandang araw!

Hi, Jhett! =) - joee
TumugonBurahinHi Joee! Salamat sa pagbisita! hehehe
Burahin