Napansin ko, sa mga nagdaang araw, puro si Robin Padilla ang laman ng aking facebook. Siguro dahil kakatapos lang naming mag-trabaho sa isang proyekto. Puro mga picture na kasama ko siya, mga tv commercial shoot na pinagsamahan namin, at mga video na aking ginawa para sa mga kaibigan na kasama siya. Kaya aking binalikan, salamat sa Timeline, ang mga pictures na naipon sa mga nagdaang taon at aking sinariwa ang mga oras na kami’y nagkasama.
Nakilala ko si Robin Padilla may ilang taon na ang nakakaraan nang siya ay maging endorser ng aking hinahawakan na account sa advertising agency na aking pinagta-trabahuhan. Nung malaman ko na makaka-trabaho ko siya, sinabi ko sa sarili ko, ano kayang klaseng artista itong si Robin? Tulad kaya siya ng ibang artista na “feeling” artista at “feeling superstar”? Mayabang kaya siya? Mabait kaya? May isa akong pinsan na magmula nung nag-aaral pa ako ay ganun na lang ang paghanga sa kanya. Kaya sinabi ko sa sarili ko, “Sige nga, kilatisin ko nga ito”, para malaman ko kung ano ang nakita ng pinsan kong “die-hard” sa kanya.
Fast forward sa ngayon. Marami-rami na rin pala kaming TV commercial na ginawa at pinagsamahan. Naging parte rin pala ako at ang grupo kong AKAFELLAS sa kanyang panliligaw kay Mariel noong nag-substitute host siya sa Wowowee nung kami’y kumanta, kasama niya, ng “Ipagpatawad Mo” nang live, at acapella siyempre. At alam n’yo na siguro ang naging ending ng love story nila. Napasagot lang naman niya si Mariel at kung inyong mamarapatin, magyayabang lang ako nang kaunti at magsasabi na siguro may kinalaman kami kahit papaano! Hahahaha!
Tuwing may shoot, kung ang call time sa kanya ay 7AM, 5:30AM pa lang, nasa set na siya. Laging maaga. Laging handa. Sana tularan siya ng ibang mga artista. Napansin ko rin na kapag may mga fans lalo na kung out of town ang shoot, una niyang nilalapitan ang mga ito. Walang habas na nakikipag-kamay, kahit na siya’y hinahalikan, kinukurot, pinanggigigilan, kahit na magkanda-punit-punit pa ang suot nito. Nandun ang sinseridad, at ang pagiging totoo na hindi ko nakita sa ibang mga artista na naka-trabaho ko.
Isa pang napansin ko ay ang kalambutan ng puso niya sa mga matatanda. May mga pagkakataong aking nakita na kanyang lalapitan ang mga matatanda, magmamano, at kakausapin nang matagal, kahit hinihintay na siya sa set. May isang matanda, si Lola Aurora, na nakaupo sa isang wheelchair ang tumawag sa akin nung ako’y napadaan sa tapat ng bahay nila. Kinausap niya ako, at nakiusap na iparating ko raw kay Robin ang kanyang pasasalamat. Tinanong ko, “para saan po?” Salamat daw sa binigay niyang malaking halaga para sa pagpapagamot niya. Hindi ko na inalam kung magkano pa. Agad-agad, naisip ko, “kakaiba itong taong ito”.
Sa aking pakikipag-usap din kay Binoe sa mga nagdaang araw, napansin ko rin na ang dami niyang alam. At may laman ang mga sinasabi. Sinsero sa pakikipag-usap. Totoo. At sa aming mga kuwentuhan, masasabi kong may mga napupulot akong mga aral, gaano man ito kaliit o kalaki.
Magiging napakahaba na nitong blog entry na ito kung akin pang iisa-isahin ang lahat ng aking obserbasyon sa taong ito na tinaguriang “Idol” ng pelikulang Pilipino. Kaya akin nang tatapusin ito sa pamamagitan ng pagpaparating ng aking taos-pusong pasasalamat sa kanya. Sa mga pagkakataong kami’y nagkasama, nagka-kuwentuhan, nagka-tawanan, at kung anu-ano pa. Hindi ko alam kung hanggang saan pa makakarating ang aming pagkakaibigan sa hinaharap. Abangan na lang natin, hehehe, pero sa aking pagtatapos, nais kong sabihin na SALUDO ako sa ‘yo Binoe! Mabuhay ka, kaibigan!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento