Lunes, Oktubre 8, 2012

Nang mag-flash mob ang AKAFELLAS!

Sa mahigit sampung taon na ng Akafellas, madalas ay naiimbitahan kaming kumanta sa mga debut at kasal. 2 weeks ago, dahil sa referral ng aming mga kaibigan na sina Arnold at Jingle Buena, kami ay naging bahagi sa isang exciting at kakilig-kilig na pangyayari. Kami ay kinuha para haranahin ang isang binibini at para maging background music habang nag-po-propose ang isang ginoong nangngangalang GP Reyes. Ang masuwerteng binibini ay si Andi Manzano, Andi 9 ng Magic 89.9 (Hindi niya kamag-anak si Gloc 9 HAHAHA!)

Mahigit dalawang linggong pinagplanuhan ng bestfriend ni GP na si Manny Angeles ang flash mob proposal na ito. At ito ay inisip na gawin ni GP sa NAIA Terminal 3 sa pagdating nila mismo galing sa isang bakasyon sa Boracay. Siguro, pinili niya ito para na rin maging sobrang unexpected. Hindi sa isang usual na restaurant, sa loob ng eroplano, o sa Paris, France kung saan nagbakasyon ang dalawa kamakailan lang.

Pina-arrange sa amin ang awiting "Marry Me" at pinag-aralan namin sa loob ng dalawang Linggo.

Oct.7 (Nung Linggo) naganap ang exciting na flash mob. Nagkuwaring yuppie ang dalawang miyembro ng Akafellas na sina Paulo at Daryl, Ako naman, kasama sina Ian, Luke at Jona ay kunwaring galing sa Hongkong, habang sina Danny at Chino naman ay kunwaring nanggaling sa Boracay.

Dumating kami sa NAIA Terminal 3 ng alas-3:30 ng hapon. Ang eroplano raw nila ay lalapag ng Manila ng 6PM. Kaya tumambay muna kami sa isang restaurant sa loob ng Terminal 3.

Nang malaman naming lumapag na ang eroplanong kanilang sinasakyan, ikinalat na namin ang sarili namin sa  arrival area.

At eto ang nangyari:


Matiwasay naming nagawa ang plano at lubos kaming natuwa at kinilig sa mga pangyayari.

Sa inyo GP at soon to be Mrs. Andi Manzano-Reyes... Congratulations and Best Wishes! Isang GROUP HUG mula sa aming lahat sa AKAFELLAS!




Ilabas ang lechon! HAHAHA!

Miyerkules, Hunyo 6, 2012

Mapanlait at Pakshet stuff

Bilang nagta-trabaho sa advertising, hindi ko maikakaila na lahat ng bagay sa paligid ko ay napapansin ko. Ewan... Dahil ba patuloy akong nag-iisip habang nag-gagala sa mall? patuloy na umiisip ng kuwento na maaaring pumatok kapag ginawang commercial? 'Yan ang katotohanan. Ang mga advertising creatives ay hindi tumitigil sa pag-iisip. Maaaring lumabas siya ng opisina para kumain ng tanghalian, mamasyal, o kahit na sa pag-uwi... tuluy-tuloy pa rin sa pag-iisip ng kung anu-ano.

Tawagin n'yo nang mapanlait... ngunit para sa akin, ako ay isa lamang na observer! hahahaha! Na-train ako at ang aking bestfriend noon na mag-observe (o sige na nga, manlait) sa mga tao habang naka-tambay sa corridor ng USTe. Bawat tao, iniisipan namin ng kuwento. Kaya naman siguro ako bumagsak sa trabaho sa advertising. hahaha!

Fast forward sa ngayon. Delikado yata na nauso ang mga camera phones dahil bawat mapansin ko na nakakatuwa, nakakainis, o nakaka-aliw ay agad kong nilalabas ang aking camera phone para kunan ang mga ito. Kaya hayaan ninyo akong i-share sa inyo ang aking mga "snapshots" sa mga nagdaang araw. hehehe...






Unahin natin sa aleng ito. Hindi porke't nasa bahay ako at nakahiga nang matiwasay sa aking kama at nanonood ng TV ay makakalampas sa akin ang mga pangitain na ito. HAHAHA! Ate, kung mag-pe-present ka ng trophy sa Guillermo Mendoza Box Office King and Queen Awards night, try mong mag-pout ng lips! WAHAHAHAHA!


Kung ikaw naman ay isang ama, at mahal na mahal mo ang iyong unico iho. Huwag mo naman siyang damitan ng trip mong porma. Hindi pa ba sapat na magkamukha kayo at gawin siyang Junior at kailangan mo pa siyang suotan ng damit na parehong pareho ng sa iyo? Kuya... isinusumpa ko, pag nagbinata yang anak mo, ikakahiya niya itong PHASE na ito sa buhay niya. HAHAHAHA!





Ok.. Ok... Alam ko na super mamahalin ang HERMES na bag. Pero kailangan ba na isang giant Hermes bag ang iyong sukbitin habang naglalakad sa mall? Kuya... konti na lang, kasya ka na sa loob niyan. HAHAHAHA!


Isa sa mga pet peeve ko ay ang makakita ng mga lalaking naka-black leather shoes at naka-puting sports socks. At lalong malala, kung maikli pa ito at may tatak pa. GRRRRR!!!!  HAHAHA!


OK... Define "Dressing Comfortably". Kuya... mukhang napakalapit ng bahay mo sa grocery ah! HAHAHAH! Next time naman, kung lalabas ka, wag namang naka-boxer shorts at sandong butas lang ang suot mo. Moral of the story: Image is everything. Hindi mo alam kung sino ang makakakita sa iyo. At.. halos lahat yata ng tao ngayon ay may camera phone na. HAHAHAHA!


Wala lang. Creepy lang. WAHAHAHAHAHA! Masyado na bang nagtitipid ito at hindi maka-afford talent?!?! HEHEHEHE..


At ang aking huling tampok sa edisyon na ito... Mabasa nawa ito ng mga taga-advertising lalo na ang mga Art Director. Paumanhin na lang kung kakilala ko ang gumawa nitong billboard na ito, o ang Photographer na nag-shoot na ito... Pet peeve ko ang makakita ng ganito. Ng isang talent na animo'y tumatakbo... Pansinin ninyo yung Derek na naka-suit sa may bandang kaliwa ng layout. May tao bang tumatakbo nang sabay ang paa at pag-unday ng kamay? WALA 'DI BA?!  Laging saliwa ang galaw ng paa at kamay habang lumalakad o tumatakbo. Unless nagpapatawa ka, puwede mong gawin yun. Nawa'y maging aral ito sa mga Art Director at Photographer na mag-shu-shoot ng "walking" o "running" talent sa hinaharap. Gawin nang tama!

Hanggang sa susunod na edisyon mga kaibigan! At SALAMAT sa pagbabasa!

Miyerkules, Mayo 30, 2012

Meron akong iku-kuwento: The CompanY: Isang Grupong PANALO!

Ang The CompanY na yata ang isa sa mga grupong mang-aawit na aking pinaka-iidolo rito sa atin. Hindi ko ikinakaila na minsan ay pinangarap kong mapabilang sa kanila nung ako'y nasa kolehiyo pa at sumusubok-subok pa lamang sa pagkanta. Ako'y isa sa mga na-ha-"high" sa kanilang vocal harmony na aking inihahalintulad sa Manhattan Transfer. Bumibili ako ng orihinal na CD nila, at hindi ko ikinahihiyang sabihin na inabot ko pa ang cassette tape. Sayang lang at na-Ondoy ang lahat ng aking koleksiyon.

Nanonood ako ng mga show o concerts nila kapag nakakapag-ipon mula sa aking baon at lalong natutuwa ako kapag may libre silang pagtatanghal sa mga malls. At NAPIPIKON AKO kapag nakakabasa ng mga articles nila sa mga pahayagan na hindi naka-capital letter ang Y sa The CompanY. Hahaha!

Kaya ganun na lang ang laking tuwa ko noong nagkaroon ako ng pagkakataon na makasalamuha sila sa pamamagitan ng isang interview noong ako'y isang writer/producer ng DWJOLLIBEE, ang "taped pipe-in radio station"  sa lahat ng Jollibee stores noong 1995. Inabangan ko sila noon pagkatapos ng mall show nila sa Shangri-La Plaza Mall at bagama't walang pasabi ay pinaunlakan nila ang interview na iyon.

Fast forward sa ngayon... Ako'y pinalad na magkaroon ng pagkakataon na maging isa ring mang-aawit. Bilang parte ng mga grupong aking sinalihan noon, (4 by 4 noong 1995-1997, Quarter to Five noong 1998-2000, At AKAFELLAS 2004-present) hindi pa rin nawawala ang aking pagtatangi sa kanila bilang aking mga idolo sa musika.  Ang aking grupo, ang 11-year old na Akafellas ay wala pa ring panama sa kanilang 27 years na industriya. At isa na rin ako sa makakapagpatunay na magmula nung nakilala ko sila ilang taon na ang nakakaraan, ay ganun pa rin sila hanggang ngayon.


Hindi lang nila alam, sa tuwing magkakaroon ng pagkakataon na makakasama ko sila ay kinikilig at na-s-starstruck pa rin ako. Ganun yata talaga kapag tinitingala mo at ini-idolo. Kaya ganun na lang ang laking tuwa ko noong amin silang makalaro sa SINGING BEE noon...




... at nang magkaroon din kami ng pagkakataon na makasama sila sa SHARON noon, kasama rin ang Beatbox Philippines.


Ilang araw na ang nakakaraan, taas-noong dinala ng The CompanY ang bandila ng Pilipinas sa The Venetian Macao Jazz & Blues Competition. Mula sa daan-daang mga grupo mula sa buong mundo, ay napabilang sila sa Top 6 na pinakamagagaling! Hindi na ako nagtaka sa totoo lang at in-expect ko na yun.

Kaya mula sa inyong abang lingkod, aking ipinaaabot ang aking malugod na pagbati sa inyo, The CompanY, dahil sa  taas-noo ninyong iwinagayway ang bandila ng Pilipinas sa patimpalak na iyon.
Kayo ang PANALO sa akin at sa buong bansa, sa puso ko at sa isip ko.

Isa na lang siguro ang mahihiling ko. Ang makasama uli sila sa isang entablado. Ang maihalo ang aking munting tinig sa kanilang magarang harmony, at siguro, maka-fellowship sila kahit over coffee lang. hehehe...

Pero hangga't hindi pa nangyayari uli iyon, mananatili pa rin akong isang FAN. Fan na paulit-ulit pa ring kikiligin at maha-"high" sa inyong musika. MABUHAY kayo, The CompanY!!!!



------------------------------
Ang The CompanY ay binubuo nina Sweet Plantado, Annie Quintos, Cecile Bautista, Jay Marquez at Moy Ortiz. Bili na ng kanilang pinaka-bagong CD na Light-Hearted 2 mula sa Viva Records!

Martes, Mayo 29, 2012

MEME NA!

Nung nakaraang linggo, may pi-nost ako na picture sa internet na nilagyan o ginawan ko ng kakat'wang twist. Eto yung pinost ko matapos ko makita ang larawan nina Jennifer Holliday at Jessica Sanchez na kumakanta nung American Idol Finals.



Nagawa ko 'to dahil siguro sa pinaghalong pagkadismaya sa hindi pagkapanalo ni Jessica sa naturang contest, at dahil na rin sa nakakatawang itsura ni Jennifer Holliday na animo'y gusto niyang lamunin nang buhay si Jessica.

Ganun na lang ang aking pagkagulat nang i-text ako ng isang kaibigan para sabihing lumampas na sa isang libo ang nag-"share" ng ginawa kong ito.

meme pala ang tawag dito. (meem ang pagkabigkas) HAHAHA! Ipagpaumanhin ninyo dahil lately ko lang nalaman na "meme" pala ang tawag sa ginawa kong ito. Agad ko namang tiningnan ang kahulugan ng meme sa internet at ito ang aking nakita:

A "meme" is a virally-transmitted cultural symbol or social idea. A meme (rhymes with "team") behaves like a flu or a cold virus, traveling from person to person quickly, but transmitting an idea instead of a lifeform. According to Cecil Adams of theStraightDope.com, the concept of memes "is either really deep, or really, really obvious".

Historically, a meme is a discrete "package of culture" that would travel via word of mouth, usually as a mesmerizing story, a fable/parable, a joke, or an expression of speech. Today, memes travel much faster than simple speech. As Internet email forwards, instant messages, and Web page links, memes now travel instantly via the Internet.

Ang kadalasan naman daw na tema ng mga meme ay mga sadyang nakakatawa , dahil ito raw ang mas nakakarating sa mas maraming tao at ito ang mga laging ifino-forward o shine-share.

Ang "meme" raw ay unang inintroduce ng evolutionary biologist na si Richard Dawkins noong 1976.  Ang "Meme" ay galing sa Greek word  na "mimema" (meaning "something imitated", American Heritage Dictionary). Inilarawan ni Dawkins ang mga meme bilang isang paraan ng pagpo-propagate ng kultura, isang paraan para maisalin ng mga tao ang social memories at cultural ideas sa isa't-isa.

Ang larawang ito na pinost ko ay umabot ng 1,701 shares sa ngayon at itinampok pa, kasama ang ibang mga internet meme sa UNANG HIRIT sa GMA7 isang araw lamang matapos ko itong i-post!

Kahapon, pagkatapos ng makasaysayang CORONA IMPEACHMENT TRIAL, at matapos kong mapanood nang pahapyaw ang munting speech ni Senator Lito Lapid, Akin namang ginawa ang meme na ito na sa ngayon ay umabot na sa 1,800+ shares!


Matapos ang aking dalawang magkasunod na meme ( na tinangkilik naman ng mga tao), asahan ninyong gagawa pa ako sa hinaharap ng mga meme. Hindi ko lang alam kung tungkol saan, at kung kailan, basta inyo na lamang abangan.

At siyempre, inaasahan ko na na hindi naman lahat matutuwa sa mga ilalabas ko. May mga tao pa rin talagang mag-re-react negatively. Ang masasabi ko lang, ginagawa ko ito all in the spirit of fun.

Wala na lang basagan ng trip. WAHAHAHAHAHA!

Linggo, Mayo 27, 2012

Koping Panalo!

Ako'y fan ng KOPIKO Brown Coffee magmula noon pa. Ito yata (hindi ko sigurado) ang unang naglabas ng 3-in-1 sachet na gumagamit ng brown na asukal, bilang ito raw ay mas "healthy" kesa sa nakasanayan na ng karamihan na puting asukal. Hindi ako bayarang "endorser" ng produktong ito (HOW I WISH!!!! - Hahahaha!) pero nai-rekomenda ko na ito yata sa lahat ng kaibigan ko. Masarap ito nang mainit, at sinubukan ko na rin ito nang "iced". Panalo ang quality at lasa. Mura pa!





Kahapon,  nang ako'y magpunta sa grocery, tinawag ang aking pansin ng bagong produkto mula sa Kopiko - ang Kopiccino! Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa't agad akong bumili!


Sinubukan ko ito at masasabi kong isa na namang PANALONG produkto ito mula sa Kopiko! Sa halagang P8.00, may abot-kayang Cappuccino na kayo! At sa tingin ko'y masarap din ito kapag "iced"!

Subukan n'yo na!

Sabado, Mayo 26, 2012

Si Binoe at ako



Napansin ko, sa mga nagdaang araw, puro si Robin Padilla ang laman ng aking facebook. Siguro dahil kakatapos lang naming mag-trabaho sa isang proyekto. Puro mga picture na kasama ko siya, mga tv commercial shoot na pinagsamahan namin, at mga video na aking ginawa para sa mga kaibigan na kasama siya. Kaya aking binalikan, salamat sa Timeline, ang mga pictures na naipon sa mga nagdaang taon at aking sinariwa ang mga oras na kami’y nagkasama.

Nakilala ko si Robin Padilla may ilang taon na ang nakakaraan nang siya ay maging endorser ng aking hinahawakan na account sa advertising agency na aking pinagta-trabahuhan. Nung malaman ko na makaka-trabaho ko siya, sinabi ko sa sarili ko, ano kayang klaseng artista itong si Robin? Tulad kaya siya ng ibang artista na “feeling” artista at “feeling superstar”?  Mayabang kaya siya? Mabait kaya? May isa akong pinsan na magmula nung nag-aaral pa ako ay ganun na lang ang paghanga sa kanya. Kaya sinabi ko sa sarili ko, “Sige nga, kilatisin ko nga ito”, para malaman ko kung ano ang nakita ng pinsan kong “die-hard” sa kanya.

Fast forward sa ngayon. Marami-rami na rin pala kaming TV commercial na ginawa at pinagsamahan. Naging parte rin pala ako at ang grupo kong AKAFELLAS sa kanyang panliligaw kay Mariel noong nag-substitute host siya sa Wowowee nung kami’y kumanta, kasama niya, ng “Ipagpatawad Mo” nang live, at acapella siyempre. At alam n’yo na siguro ang naging ending ng love story nila. Napasagot lang naman niya si Mariel at kung inyong mamarapatin, magyayabang lang ako nang kaunti at magsasabi na siguro may kinalaman kami kahit papaano! Hahahaha!

Tuwing may shoot, kung ang call time sa kanya ay 7AM, 5:30AM pa lang, nasa set na siya. Laging maaga. Laging handa. Sana tularan siya ng ibang mga artista. Napansin ko rin na kapag  may mga fans lalo na kung out of town ang shoot, una niyang nilalapitan ang mga ito.  Walang habas na nakikipag-kamay, kahit na siya’y hinahalikan, kinukurot, pinanggigigilan, kahit na magkanda-punit-punit pa ang suot nito. Nandun ang sinseridad, at ang pagiging totoo na hindi ko nakita sa ibang mga artista na naka-trabaho ko.

Isa pang napansin ko ay ang kalambutan ng puso niya sa mga matatanda. May mga pagkakataong  aking nakita na kanyang lalapitan ang mga matatanda, magmamano, at kakausapin nang matagal,  kahit hinihintay na siya sa set. May isang matanda, si Lola Aurora, na nakaupo  sa isang wheelchair ang tumawag sa akin nung ako’y napadaan sa tapat ng bahay nila. Kinausap niya ako, at nakiusap na iparating ko raw kay Robin ang kanyang pasasalamat. Tinanong ko, “para saan po?”  Salamat daw sa binigay niyang malaking halaga para sa pagpapagamot niya. Hindi ko na inalam kung magkano pa. Agad-agad, naisip ko, “kakaiba itong taong ito”.

Sa aking pakikipag-usap din kay Binoe sa mga nagdaang araw, napansin ko rin na ang dami niyang alam. At may laman ang mga sinasabi. Sinsero sa pakikipag-usap. Totoo. At sa aming mga kuwentuhan, masasabi kong may mga napupulot akong mga aral, gaano man ito kaliit o kalaki. 

Magiging napakahaba na nitong blog entry na ito kung akin pang iisa-isahin ang lahat ng aking obserbasyon sa taong ito na tinaguriang “Idol” ng pelikulang Pilipino. Kaya akin nang tatapusin ito sa pamamagitan ng pagpaparating ng aking taos-pusong pasasalamat sa kanya. Sa mga pagkakataong kami’y nagkasama, nagka-kuwentuhan, nagka-tawanan, at kung anu-ano pa. Hindi ko alam kung hanggang saan pa makakarating ang aming pagkakaibigan sa hinaharap. Abangan na lang natin, hehehe, pero sa aking pagtatapos, nais kong sabihin na SALUDO ako sa ‘yo Binoe! Mabuhay ka, kaibigan!

Martes, Mayo 15, 2012

OPINYON KO LANG PO...

Sa mga susunod na araw, susubukin kong magtampok nga mga kung anu-anong bagay dito sa aking blog at magbibigay ng aking kuru-kuro, opinyon o saloobin. Puwedeng kayo'y maki-sang-ayon o puwede rin naman kayong sumalungat sa aking saloobin.

Bilang ako'y nagta-trabaho sa advertising, magbibigay ako ng aking opinyon ukol sa paksang ito sa abot ng aking makakaya, dahil may ilang taon na rin naman ako sa larangang ito, at sa aking palagay, baka naman may konting saysay, katotohanan, o kapupulutan ang aking opinyon.

Ugali kong tingnan ang mga diyaryo tuwing umaga sa gym. At tutal, isa't kalahating oras naman ako sa traffic, salamat sa isang 16-wheeler truck na tumirik sa kalagitnaan ng C5 kaninang umaga, hindi ko na inabot ang group exercise class na aking dinadaluhan tuwing Miyerkules ng umaga.

Buklat-buklat ng diyaryo habang nagkakape... Tumawag-pansin ang isang print ad ng Empire East (isang real estate company) kung saan ay endorser ang 2011 Miss Philippines-Universe na si Shamcey Supsup. Alam naman siguro ng karamihan na si Shamcey ay topnotcher sa Architecture Licensure Exams, at isang honor student noon sa UP Diliman, kaya ako naman ay natuwa sa "pagkakagamit" sa kanya sa naturang print ad. "Magaling" and nasabi ko sa sarili ko. Dahil bagama't alam natin na isang beauty queen si Shamcey, nakuhang isipan ng kung sino man ang gumawa ng print ad na ito, ng konsepto ang print ad kahit na papaano. Pinag-isipan, at may tuhog sa kung ano man ang nais na iparating ng Empire East sa kanilang produkto (basahin na lamang ang headline). Panalo!

Na siya naman ikinalungkot ko dahil sa iisang diyaryo, nakita ko rin ang ad ng CW Home Depot na kung saan ay endorser din si Shamcey. Nalungkot dahil kung ano ang ikinaganda ng ad niya sa EMpire East ay siya namang ikina-EWAN ng ad niya sa CW Home Depot. (Inuulit ko, opinyon ko po ito, at paumanhin po kung kakilala ko o kaibigan ang gumawa ng ad na ito... hehehe)

Sa nasabing print ad, makikita natin na ipinakita si Shamcey bilang isang beauty queen. Kumpleto sa kanyang malaking korona at sash. Pero NAMAN.... Bakit naman siya pinahawak ng higanteng susi ng sasakyan na nag-mistulang gitara!?!?! Ano ang ipinahihiwatig nito? beauty queen siya? o rocker?! Wala man lang konsepto. Tuloy, nagmukhang katawa-tawa ang pobreng endorser.

Kung ako ang "titira" sa ad na ito, malamang ay inilagay ko na lamang si Shamcey sa likod ng pick-up truck na kumakaway na parang siya ay nasa isang "motorcade" (tutal, mahilig naman silang ibalandra sa pamamagitan ng motorcade ng Araneta Center... hehehe). O kaya nama'y ipahawak sa kanya ang higanteng susi na parang "scepter" tutal, beauty queen nga ang image 'di ba? ;-)

Inuulit ko, nawa'y maging aral itong aking itinampok  lalo na sa mga nag-uumpisa pa lamang sa larangan ng advertising. Kilalanin ang inyong endorser. Hindi porke't binayaran siya ng limpak-limpak na salapi ay puwede na siyang pagmukhaing tanga. At higit sa lahat, gumawa ng ad na pagdating ng panahon ay hindi ninyo ikahihiyang kayo ang gumawa. (At siyempre, hindi ko rin sinasabing wala akong pangit na ad na nagawa nung aking kabataan. Ang totoo, ay mayroon din naman) HEHEHE...

Magandang araw!